Hindi lang ikaw ang kauna-unahang taong
nagtanong sa akin kung bakit ako naririto araw-araw, gabi-gabi. Hindi ko na
mabilang kung ilang mga mapanuring utak ang huminto sa kanilang paglalakad
upang tanungin kung bakit tila hindi ko maiwan ang lugar na kinalalagyan ko
ngayon.
Gusto mong ikuwento ko? Halika. Lumapit ka.
Humiga ka sa tabi ko. Huwag kang mag-alala. Maaring maraming mga hantik, kulisap at mga gagambang umaali-aligid
sa damuhang ito, pero walang makakapantay sa respeto na ibinibigay nila sa
akin.
Ayan. Komportable ka ba? Hindi ka ba nangangati?
Hindi ka ba nahihiyang makita ng mga naglalakad na katabi mo ang isang
gusgusing kagaya ko? Mabuti naman kung ganoon.
Naranasan mo nang makakita ng mga puting butil? Ito yung mga misteryosong mga
tuldok na makikitang lumilipad sa harapan natin, ngunit bigla na lang nawawala
kapag deretso nating tinitingnan. Minsan sila’y lumalabas kapag tumitingin tayo
sa kalangitan o kaya nama’y humihikab habang nakapikit. Ang hinuha ko noo’y sila’y mga maliliit na
kaluluwang nagpaparamdam, mga kaluluwang kapag ating tinitingnan ng deretsahan
ay nahihiya’t bumabalik sa kagawaran
ng langit. Subukan mo mang hulihin sila ng iyong paningin ay hindi mo magagawa
kahit kailan.
Marami-rami na ring nagsilbing puting butil ng buhay ko. Maraming mga bagay na
pinilit kong mapasaakin ngunit hindi ko nagawa.
Dito sa bakanteng lote itinayo ang aking bahay
noong ako’y ikinasal sa aking asawang si Soledad. Simple lang ang naging pamumuhay
namin. Nagtrabaho ako bilang isang propesor ng Panitikan sa isang sikat na unibersidad, tambay sa mga
mala-Stratford-upon-Avon na silid-aklatan
sa Maynila.
Sumiklab ang karahasan ng Martial law nang hindi
namin inaasahan. Araw-araw ay magkayakap kaming gumigising ni Soledad sa isang
bansang naghihingalo, sa isang bansang namumulubi sa katahimikan, sa isang
bansang tinitirhan ng mga indibidwal na misteryosong dinadakip ng kadiliman ng
gabi. Huminto muna ako sa pagtuturo nang nalaman kong isa-isang nawawala ang
aking mga kasamahan sa trabaho. Hanggang ngayo’y hindi ko alam kung saan sila
napadpad. Nagkulong kami ni Soledad sa aming bahay ng ilang linggo. Lumipas ang
mga araw na kami ay nanirahan sa takot at kaba.
Nagbago ang lahat nang kumatok sa aming pintuan
ang batang walang mukha. Pumasok siya sa aming bahay na walang saplot, ngunit
hindi namin pinuna ang kanyang hubad na anyo. Ang kanyang mukha ay isang
malawak na patag ng balat na tila isang makinis na bumbunan ng sanggol.
Binihisan namin siya, ipinagluto ng masasarap na pagkain, pinatulog sa aming
kama, at nang sumunod na linggo ay kaagad akong naglakbay para sa misyon na
ibinigay niya sa akin.
Ayon sa batang walang mukha, ang itinadhanang
kagaya ko ang magliligtas sa bansa nating naghihingalo. Isa raw akong bayani, isang larawan ng sundalong ipinadala ng Diyos upang puksain ang sino mang
magtatangkang maghasik ng kasamaan. Ngunit hindi ko raw iyon magagawa hangga’t
hindi napapasaakin ang ilang mga importante bagay.
Nagpaalam ako kay Soledad kinaumagahan upang
iligtas ang Pilipinas.
Isang palakpak lang ng batang walang mukha ay
agad lumitaw ang higanteng agila. Aking sinakyan ang napakalaking ibon na
walang bahid ng takot sa aking kaloob-looban. Mabilis ang biyahe patungo sa
tuktok ng Bundok Makiling. Gamit ang aking sibat ay nakahuli ako ng mga
pagkain, mga kalapati’t paniking bahagyang minalas na sumabay sa aking paglalakbay.
Nakarating ako sa tuktok ng Makiling matapos ang ilang oras. Agad akong
dumeretso sa kuweba ng mga diwata kung saan kinailangan kong pigilin ang temptasyong
inihain ng mga hubad na dalaga upang ako’y makahila ng isang hibla ng buhok
mula sa kanilang reyna. Sinunod kong pinuntahan ang Marianas Trench, na aking
narating sa tulong ng isang lipon ng mga galunggong.
Doon ay nilangoy ko ang ilalim ng dagat at nakipagkarera sa isang taunang
kompetisyon ng mga syokoy at sirena. Sa aking pagkapanalo ay napasaakin ang
boteng naglalaman ng kanta ng Prinsesa ng Dagat. Ako nama’y tumapak sa lupa ng
Rizal at nakipagbunong-braso sa magiting na Bernardo Carpio. Sa pagkatalo ng
higante ay aking nakamit ang singsing na sadyang nagpalakas sa kanya. Nalungkot
ang higante, ngunit ako’y nangako na maibabalik ang kanyang singsing sa tamang
panahon. Hindi ko rin makakalimutan ang hirap na dinanas ko sa huling parte ng
aking misyon, kung saan dinayo ko ang Capiz at pumatay ng isandaang maligno upang makarating sa kanilang
hari sa isang tagumbayan sa gitna ng kagubatan. Pero walang kahirap-hirap kong
nakuha ang pugot niyang ulo, na mismong iniluwa ang isinumpang hiyas na siyang
nagbigay-kasamaan sa kanyang pagkatao ng ilang taon.
Ang hibla ng buhok ng diwata, ang kanta ng Prinsesa
ng Dagat, ang singsing ng higante, at ang hiyas ng maligno. Naaalala ko pa ang
pagiging manhid ng aking puso nang binalot ako ng realidad na nagbadya ng
katapusan ng aking misyon. At bago ako bumalik sa aking bahay ay minabuti kong
dumaan sa Tarlac upang makiusap sa mga engkantong bigyan ako ng kanilang
pinakamatatamis na kamatsile para sa aking minamahal na asawa. Nagmadali akong
umuwi rito upang muling makasama si Soledad. Kay laki ng ngiting nakapinta sa
aking mukha habang binuksan ko ang pintuan ng aking bahay. Ngunit isang
malaking espasyo ng hangin ang aking nasilayan. Walang kagamitan. Walang
Soledad.
Ang isa sa mga malulubhang sumpang ibinigay sa
mga mortal na kagaya natin ay ang ating kakulangang makamtan ang lahat ng ating
mga pangarap. Gaya ng mga puting butil, walang sing-dali ang pagtanaw sa ating
mga adhikain. Ngunit sa tuwing susubukan nating abutin ang iba sa mga ito ay
hindi natin magagawa. Titingin tayo sa kalangitan, makikita ang ating mga
kagustuhan, at tuwing liliparin natin ay merong mga puwersang hihila sa atin
pababa, na parang isang saranggola na
walang magawa kundi umasa sa taling nakakabit sa kanya.
Inabandona ko si Soledad at inabandona rin niya
ako. Sa kagustuhan kong gumawa ng malaking pagbabago sa aking bansa ay hindi ko
man lang naisip ang mga bagay na mas importante sa aking puso. Tayo’y tao
lamang. Walang masamang unahin ang ating sarili. Ipinanganak tayong mga
nilalang sa isang mundong mapang-api. Kagaya ng damuhang ating hinihigaan
ngayon, ang mundo ay makitid, masikip, puno ng misteryo. At bilang mga tao,
walang masama kung tayo’y magpapakasakim sa kakaisip lamang ng ating sarili
upang mabuhay sa daigdig na ito.
Pinili kong maging sakim.
Tama ang iyong hula. Nasa pagmamay-ari ko pa rin
ang mga bagay na aking nakuha ilang dekada na ang nakalipas. Ang buhok, ang
kanta, ang singsing, at ang hiyas, lahat ng mga ito’y nakabaon sa lupang
hinihigaan natin. Dadaan muna sa aking dahas ang sinumang magtatangkang kunin
ang mga ito kahit na gaano pa kaganda ang kanilang intensyon. Habang hindi
nagagamit ang mga kayamanang ito, patuloy tayong mamumuhay sa isang mundong
puno ng kahapisan.
Si Soledad, ang kanyang pagbabalik ay ang
tanging rason upang magbago ang isip ko. Ipinagdarasal kong dumating na ang
araw na iyon, ngayo’y malapit na rin akong magpaalam sa mundong ito.
Salamat sa iyong oras, kaibigan. Sana’y
maisapuso mo ang lahat ng mga kinuwento ko. Bagamat ramdam ko ang iyong
kahirapang paniwalaan ang ibang mga salik sa aking salaysay, sana ay hindi mo
ito makakalimutan. Huwag mong kakalimutan ang taong piniling maging makasarili
sa ngalan ng kanyang personal na kasiyahan. At huwag mo rin kakalimutan ang
panganib na ipagkalat ang ating sikreto, maliban na lang kung iyo’y naising
mawala sa mundo ng mga mortal sa isang iglap lamang.
A las tres na pala ng hapon. Ayan na ang nagtitinda
ng sorbetes. Meron ka bang sampung piso diyan? Baka pwede mo kong ibili ng ice
cream. Pwede ba?