Powered by Blogger.

Monday, February 4, 2013

Manok ni Salazar

Kasabay ng pagsiklab ng Batas Militar sa Pilipinas ang pagkalat ng bulung-bulungang kung nais mong makalikha ng mahuhusay na istoryang maiaambag sa larangan ng Panitikan, maaari kang dumalaw sa bukirin ni Mang Salazar at kumuha ng balahibong panulat galing sa kanyang mga manok.

Naroon ako, isang paslit na hindi pa alam ang kahalagahan ng pagsusuot ng tsinelas sa labas ng bahay, tatakas at dederetso sa manukan ng aking lolo.

Ang isa sa mga una kong natatandaan tuwing naaalala ko ang “kalakaran ni Mang Salazar” ay ang Manunulat sa peryodiko. Nasa katamtamang-gulang pa lang siya noon nang napadayo sa manukan ni Lolo. Nagulat ang Manunulat noong una niyang nakita ang umpukan ng manok sa paligid—mga inahin at tandang walang humpay na nagtutukaan.

Nakatayo ako sa gilid, walang suot na pang-itaas at ni-isa sa pares ng tsinelas, pinapanood kung paano lumapit si Lolo sa isang tandang at madaliang binunutan ng isang pirasong balahibo ang kuyukot nito.

“Sandali lang,” sabi ni Lolo sa Manunulat, sabay tingin sa akin. “Apo, halika.”

Sinamahan ko siya sa bodega. Maraming kumukuwestiyon sa paggamit ng balahibo ng manok bilang panulat. Karaniwang balahibo ng pabo o gansa ang masmainam ayon sa nagmamarunong, pero ibahin niyo ang manok ng lolo ko.

Isang beses sa isang linggo ay tinitipon niya ang mga alaga niyang ibon. Hindi siya komportable tuwing pinapanood siya ng kapwa tao habang kinakausap ang kanyang mga manok, kaya kahit na ako o si Tatay ay bawal pumasok sa manukan tuwing Sabado ng hapon. Ngunit may mga araw na inaakyat ko ang bakod ng manukan para mapawi ang aking kuryusidad. Nagsisimula ang lahat sa pagsipol ni Lolo Salazar, na siyang maririnig ng kanyang mga alaga. At animo’y utak-tao ang mga manok na lalabas at magtitipun-tipon sa harap ng aking lolo. Tumitigil ang kanilang asal-ibon sa tuwing magsisimula si Lolo sa pagkwento, na siyang nagsasalaysay ng mga alamat, mga kwentong limot ng oras, at mga epikong nakagisnan ng silid-aklatan. Kinukwento niya ito ng buong puso’t damdamin sa kanyang mga alaga, at kitang-kita kong ang atensyon ng lahat ng mga manok, tandang, inahin o sisiw, ay nakadirekta mismo sa matanda.

Siguro nga’y dahil sa mga kwento ni Lolo ay nabaon sa kaloob-looban ng mga manok ang pagmamahal sa Panitikan. Nang pumunta kami sa bodega’y ipinakita niya sa akin kung paano niya asikasuhin ang balahibo. Isang lampara lang ang nagsilbing ilaw, pero mistulang sanay ang matandang magtrabaho sa dilim. Kumuha siya ng matalim na kutsilyo at kinayod padayagonal ang dulo ng balahibo. Matapos ay ibinabad niya ito sa isang basong tubig—nanggaling ang likido sa isang bote at hindi ako sigurado kung tubig nga iyon. Pagkaahon mula sa baso, itinagos naman ang dulo nito sa isang mangkok ng ininit na butil ng kapeng Barako. At nang hinugot ng aking lolo ang balahibo, nilinis gamit ang basahan at ilan pang kayod ng kutsilyo, hawak-hawak na niya ang isang pluma.

Nasilaw ang mga mata ko nang lumabas kami ng bodega. Abot-tenga ang ngiti ng Manunulat nang ibinigay ni Lolo ang pluma. Matapos ang bayaran ay nagpaalam ang dalawa sa isa’t-isa.

“Halika, apo,” bulong ni Lolo. “Bilhan kita ng sorbetes.”

Ilang taon ang lumipas at nalaman naming ang Manunulat ay nagkamit ng unang pwesto sa Palanca Awards.

* * * * *

Piling-pili ang nagkaroon ng pagkakataong makabili ng panulat ni Mang Salazar. Isang Maybahay ang mapalad, at ilang buwan lang ay naisama ang kanyang pangalan sa mga nagwagi sa Palanca. Sa ngayon ay isa siya sa pinakamaimpluwensiyang babaeng manunulat sa bansa.

Ang Balikbayang nagmula pa sa kabilang sulok ng mundo, bumisita sa manukan, nagsulat ng nobela, nagkamit ng sandamakmak na parangal sa loob at labas ng Pinas.

Ang Kompositor, binigyan ni Lolo ng itim na pluma galing sa tandang, nakapagsulat ng mga kantang binubuhay pa hanggang ngayon ng bidyoke, mga konsyerto ng OPM artist, at kung sinu-sino pang mga musikero.

Isang Direktor at may-akda ng iskrinpley, nakapagsulat ng iskrip ng isang pelikulang naging isa sa pinakaimportante sa Asya.

Ang Manunulat, Maybahay, Balikbayan, Kompositor at Direktor, iilan lamang sila sa mga nabiyayaan ng kakayahang gumawa ng kani-kanilang obra maestra.

Habang tumatanda ako’y umiral ang aking pagmamataas. Napanood ko sa telebisyon ang isang interbyu sa Direktor, tinanong kung ano ang kanyang sikreto at nakapagsulat siya ng mahuhusay na pelikula.

Tumingin ang Direktor sa kamera—nakataas ang isang kilay, seryoso ang mukha—at kaagad sinabing, “Hindi naman ako mag-isang nagtrabaho para sa tagumpay. Nariyan ang pamilya ko, ang mga nagmamahal sa akin. Siyempre hindi rin mawawala ang pagpupursigi at ang pagdarasal sa Panginoon.”

Nahirapan akong pigilan ang sariling isigaw na puta naman, ang manok ng lolo ko ang gumagawa ng iskrip mo. Subalit alam kong wala kaming karapatang humingi ng rekognisyon. At nang kinausap ko si Lolo tungkol dito ay tumango lang siya’t sinabing hindi naman atensyon ang kanyang hinahanap, kundi isang magandang libro o pelikulang nilikha ng Pilipino—kuntento na siya roon.

* * * * *

Natagpuan kong patay si Lolo isang Sabado ng taong 1994, dalawang taon matapos ang termino ng kanyang paboritong presidente. Galing ako sa trabaho noon at minabuting bumisita sa manukan. Hindi ako nakagalaw ng ilang minuto matapos ko siyang makitang nakadapa sa sahig habang pinaliligiran ng mga manok na tila’y alalang-alala sa sinapit ng kanilang amo.

Ayon sa doctor, problema sa puso ang sanhi. Marahil ay nanakit na lamang ang kanyang dibdib habang pinapakain ang mga ibon ng kwento, epiko, at tula. Wala siyang iniinom na medisina noon. Tanging sa kanyang mga kaibigang manok umikot ang kanyang buhay at kasiyahan.

Naramdaman ko ang paghina ng Panitikan nang pumanaw si Lolo. Hindi ako sigurado kung sanhi ito ng posibleng pagkawala ng bisa ng mga pluma, o marahil ay ang aking lolo lang ang naging kaakibat ko pagdating sa mundo ng mga manunulat. Pumasok din sa isip kong maaaring wala naman talagang epekto ang mga plumang iyon, na paraan lang iyon ni Lolo upang maudyok silang magsulat. Hindi ko na siguro malalaman ang katotohanan sa likod ng mga pluma ni Mang Salazar.

Minabuti ni Tatay na ibenta ang mga manok. Pangdagdag-ipon. Ang manukan ni Lolo’y nagmistulang bakanteng loteng pinupugaran ng ahas at alupihan. Hindi na ako nakapalag noon dahil importante ang pera para sa mga tumatanda kong magulang, ngunit bumibigat ang loob ko tuwing naiisip kong napunta sa tiyan ng mga walang kamuang-muang na tao ang mga ibong may kapangyarihang makagawa ng magagandang kwento at anumang sulatin.

Sa ngayon, nakikita kong puno pa rin ang Seksyon ng Panitikang Pilipino sa mga bilihan ng libro, at sa tuwing gagamitin ko ang Internet ay nakakabasa pa rin ako ng magagandang likha ng malalayang manunulat na kanilang ipinapaskil sa mga blog. Makabago na ang paraan ng paglikha ng mga istorya, kaya’t unti-unti nang nag-iiba ang aking pananaw. Nagtrabaho ang isang matandang nagngangalang Salazar para lumaganap ang magagandang sulatin, at kahit wala na siya at ang kanyang mga pluma, hindi pa rin natin maikakaila ang katotohanan.

Buhay pa ang Panitikan. Ni plumang may kapangyarihan o wala, gagawa at gagawa pa rin tayo ng paraang makapagbahagi ng kwento. At ito ay ang sa akin.

WAKAS
(Lahok para sa Bagsik ng Panitik 2013 ng Damuhan: Blog ng Pinoy, Tambayan ng Pinoy)

15 comments:

kikomaxxx said...

bow na naman ako.. galing talaga...

Ewongco said...

Alam nating di sapat ang mahiwagang balahibo ng manok upang makalikha ng maganda ang makabuluhang akda. Astig 'to. Ang galing. :-)

Will said...

Salamat, Kix, sa pagbasa. :)

Will said...

Salamat sa pagbasa!

Drex said...

Ibang klase. :) Mapa-Filipino o English. :) Galing Wil! :D

Will said...

Ay na-flatter naman ako. Haha, salamat, Drex.

Bino said...

salamat sa paglahok Will :)

Will said...

Salamat din. Congrats sa pacontest mo.

Alvin said...

kainawamang basahin.. pagkagaling

Moises John Bilang said...

ang likot ng imahinasyon...

paarbor ng utak saglit lang :p

Will said...

babasahin ko rin sa'yo. haha

Will said...

Salamat po sa pagbasa.

meow said...

naalala ko si sam sotto dito... chicken din ang partner ng bida sa novel nyang before ever after... kulit.. baka ikaw na ang susunod na pinoy writer na sisikat! pa-autograph po... hehe

Supladong Office Boy said...

talagang chineck ko paulit-ulit kung blog mo 'to. haha!


first time ko kasi nakabasa ng blog entry mo na Filipino ang language na gamit mo.


mahusay ka kuya will. #wowowee

jondmur said...

congrats sa entry mo ^^

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Important:

I've decided to use Disqus again for my blog. You can post comments by signing in using your Facebook, Twitter, Google+, OpenID, or even your own email. Please try to contact me ASAP if you are having some difficulty accessing the comments section of my blog. I had lots of problems with Disqus the last time I used it. Thank you!

Books & Literature - Top Blogs Philippines Free Page Rank Tool A Pinoy Blogger BLOGS NG PINOY


  © Blogger template The Professional Template II by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP